Tulak, 2 manyak nasakote sa Bulacan

Dinakip ng mga awtoridad ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga at dalawang manyak sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan, kamakalawa.

Kinilala ang drug suspect na si Michael Agustin, ng Brgy. Meyto, Calumpit at kabilang sa watch list ng pulisya. Nabatid na dakong alas-8:20 ng gabi nang kumagat sa isinagawang buy-bust operation ng Calumpit Police ang suspect sa Brgy. Gatbuca.

Nakumpiska sa kanya ang isang pakete ng shabu at buy-bust money. Sinailalim na ito sa drug test at nahaharap sa kasong pagbebenta ng iligal na droga sa nasabing bayan.

Kulong din ang isang taga-Brgy. San Jose Del Monte dahil diumano sa panggagahasa niya sa 7-anyos na pamangkin noong Sabado ng gabi. Nabisto ang kahalayan nito nang marinig ng ina mula sa isa sa mga kalaro ng biktima ang ginawa ng kanyang tiyuhin sa kanya.

Samantala, arestado rin si Ronald Abregana ng Brgy. Poblacion, Norzagaray dahil sa panghihipo umano sa dibdib ng dalagitang anak ng kanyang kaibigan, Linggo ng madaling-araw.

Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng enhance community quarantine ng Bulacan Police patuloy pa tin ang isinasagawa nilang kampanya laban sa iligal na droga at mabilis na pagresponde sa krimen sa nasabing probinsya. (Jun Borlongan)