May sinusundan ng lead ang mga imbestigador ng Manila Police District-homicide section­ (MPD-HS), kaugnay sa ‘killer’ na pumaslang sa isang 32-anyos na ginang habang nag ti-text sa tabi ng kanyang apat na taon­ na anak, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Joseph Kabigting­ ng MPD-HS, isa umanong drug pusher­ sa lugar na hindi muna binanggit ang panga­lan ang hinalang nasa likod ng pagpaslang sa biktimang si Carmelita Flores, taga-2194 Isabelo Selos­ Reyes St. Batangas,­ Tondo,­ Maynila.

Sa impormasyong nakuha ng pulisya, mistulang nairita ang suspek dahil sa malimit na pagpaparinig ng biktima na ipahuhuli niya ang lahat ng drug pusher at adik, tuwing dadalaw sa kanyang kapatid sa may ­Antipolo St. Tondo.

Ilang buwan na rin ang nakakalipas nang hagisan ng granada ang bahay ng kapatid nito na masu­werteng hindi sumabog, pero nabaril naman ang kapatid nito sa katawan ngunit nakaligtas.

Matatandaan na dakong alas-2:30 ng hapon nang pasukin sa kanyang bahay at barilin sa mukha ng suspek ang biktima habang abala sa pag ti-text kung saan tumagos pa sa cellphone nito ang bala na tumama sa kanyang mukha.