“Tulak na ayaw magpapigil, buhay ay titigil.”
Ito umano ang nakalagay sa isang cardboard na isinabit sa leeg ng isang hindi nakikilalang lalaking biktima ng summary execution na natagpuan kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng P. Florentino St. corner AH Lacson Avenue, Sampaloc, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-3:45 ng madaling-araw nang matagpuan ang biktima sa lugar na nakabalot ang ulo ng packaging tape, may tali ng packaging tape ang mga kamay sa likod ng katawan at nakakabit ang nasabing karatula.
Hinala ng pulisya na pinatay sa ibang lugar at saka itinapon sa lugar ang biktima ng hindi nakikilalang mga suspek.