Tulak bumulagta

Patay ang isang kilalang tulak ng iligal na droga nang tangkaing barilin ang pulis na nagpanggap na ‘poseur buyer’ sa ikinasang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD), Biyernes ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center(JRMMC) ang suspek na si Andrew Dayrit, alyas Andoy, 34,  ng 1414 A. Tomas Mapua St., Sta. Cruz.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor A. Vallejo ng MPD- homicide section, alas-10:30 ng gabi naganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ni Dayrit.

Bago naganap ang pamamaril, ikinasa ang Oplan Double Barrel Reloaded ng Drug Enforcement Team at Alvarez PCP na pinamumunuan ni PSInspector Federico B. Mateo para sa joint buy-bust operation laban sa suspek.

Nakahalata umano si Dayrit na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya binaril umano nito ang pulis pero hindi tinamaan at kaagad na nakatakbo sa kanyang mga back up na pulis na sina PO2 Xyz Estillero.

Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan sa dibdib ang suspek.