Tulak dedo, 12 pa huli sa Bulacan

Isang drug pusher ang napatay nang manlaban diumano sa awtoridad habang 12 iba ang nakorner sa Enhanced Community Quarantine(ECQ) control point at buy-bust sa Bulacan.

Kinilala ang nasawing suspek na si Jayson Landayan ng Brgy. Pulong Gubat, Balagtas. Nabatid na nakulong na tio dahil sa kasong may kinalaman sa droga at namatay sa pook ng operasyon bunga ng tama ng bala sa katawan.

Ala-1:15 kahapon ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya sa Brgy. San Juan, San Miguel ngunit nakatunog diumano si Landayan na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ng baril at nanlaban kaya napatay sa palitan ng putok.

Nakuha sa kanya ang 17 pakete ng shabu, isang caliber 38 revolver, buy-bust money, assorted drug paraphernalia, at puting Mitsubishi Lancer na may plakang WAN 648.

Base naman sa ulat ni P/Lt.Col. Amado Mendoza Jr, Marilao police chief, bandang alas-otso kamakalawa ng gabi nang masita ang suspek na si Randy Francisco, 40, sa ECQ control point sa Brgy. Lambakin, Marilao dahil walang suot na face mask at walang maipakitang quarantine pass, naging agresibo umano siya at sumasagot sa awtoridad at pumapalag kaya inaresto at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang pakete ng shabu kaya sinampahan ng patong-patong na kaso.

Samantala, pasado alas-10:00 kamakalawa ng gabi nang magkasa naman ng anti-drug operation ang tanggapan ni P/Maj. Michael Santos, Pandi police chief, sa Brgy. Siling Bata, Pandi at nakorner ang suspek na si Harold Gabuco at nakumpiskahan ng 13 gramo ng shabu na may street value na P80,000,isang caliber 45 pistol na kargado ng anim na bala, drug paraphernalia, buy-bust money at isang itim na Mazda SUV na may plakang ZSH-287.

Nabatid na sampung tulak pa ang nadakip sa bayan ng Bustos, Baliwag at San Jose del Monte City at nakumpiskahan din ng shabu, buy-bust money at drug paraphernalia. Dinala ang mga nasakoteng suspek sa Provincial Crime Laboratory upang ipasailalim sa drug test. (Jun Borlongan)