Arestado ang isang umano’y drug pusher at nakumpiskahan ng tinatayang nasa P3.4 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City kahapon.
Nasa kustodiya ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na si Euela Arguel Rosario, nasa hustong gulang, na siyang target sa operasyon.
Ang pagkakadakip sa suspek ay bunsod sa natanggap na reklamo ng PDEA mula sa ilang magulang na sangkot si Rosario sa talamak na bentahan ng shabu sa tapat ng isang paaralan sa Taguig City.
Nakumpiska dito ang kalahating kilong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon kung saan nakulong na ito noong taon 2012 dahil rin sa droga ngunit nakalaya ito matapos maabsuwelto.
Napag-alaman na ginagawa umano ng naturang suspek na runner ang mga menor de edad, ayon kay Levi Ortiz, ng PDEA.
Aminado naman si Rosario na gumagamit siya ng droga ngunit itinanggi nito na nagtutulak siya.