Panibagong kaso ng tangkang pang-aagaw ng baril ng isang naarestong tulak ng ipinagbabawal na droga ang naitala sa Caloocan City dahilan upang bumulagta ito makaraang unahan ng isa sa police escort kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni Police Senior Supt. Johnson Almazan ng Caloocan City Police, ala-una ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Caloocan City Police Community Precinct III sa Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Sa nasabing operasyon ay agad na naaresto ang sinasabing tulak na si Patricio Liego, 35-anyos ng Phase 10, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Narekober sa pangangalaga ni Leigo ang hindi pa nalalamang dami ng shabu at mga drug paraphernalias.
Kasunod ng pag-aresto ay mabilis umano itong isinakay sa mobile car ng mga umaresto kagawad ng pulisya ngunit habang bumibiyahe patungo sa Northern Police District Crime Laboratory Office (NPD-CLO) sa Valenzuela City Police Station ang suspek ay bigla umanong inagaw ng suspek ang baril ni PO2 Ramel Advincula na noo’y nagmamaneho ng mobile car habang binabaybay ang kahabaan ng Sampaguita Subdivision ganap nang alas-dos pasado ng madaling-araw.
Sinubukan pa umanong mabawi nina PO1 Neli Basallo at PO3 Ricky Labrador ang baril na naagaw ni Leigo ngunit itinutok umano ng suspek sa ulo ni Advincula ang baril dahilan upang paputukan na siya sa katawan ni Basallo nang makakita ng pagkakataon.
Sinubukan pang maisugod ng mga alagad ng batas na sakay ng nasabing mobile car sa pinaka malapit na pagamutan ang suspek ngunit hindi na rin ito pinalad pang mabuhay.