Tulak kumasa hanggang kamatayan

Patay ang isa umanong tulak ng iligal na droga nang manlaban sa mga aarestong tauhan ng pulisya sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Navotas City Police, ganap umanong alas-5:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa Block 5, Market III, PFDA Compound, Barangay North Bay Boulevard North (NBBN).

Nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Navotas City Police – Station Anti-Illegal Drugs (SAID) unit sa lugar kung saan target na masakote si Joel Duran, 22.

Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at naki­pagtransaksiyon kay Duran at kasama nitong nakilala lamang sa alyas na ‘Nunoy’ ngunit nakatunog ang mga suspek at bumunot ng baril si Duran saka pinaputukan ang pulisya.

Gumanti ang mga awtoridad na agad na ikinasawi ni Duran, habang mabilis na nakatakas si Nunoy.