Isang tricycle driver na tulak umano ng droga ang nasawi nang tangkaing manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Dead-on-the-spot sanhi ng ilang tama ng bala sa ulo at sa katawan ng suspek na si Oliver Guevarra, nasa hustong gulang, resi­dente ng Montillano St., Purok 3, Brgy. Alabang ng naturang lungsod.

Batay sa imbestiga­syon ng Muntinlupa City Police, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Barangay Alabang ng nasabing lungsod.

Ayon kay Senior Supt. Dante Novicio, isang buy-bust operation ang ikinasa ng kanyang mga tauhan at isang pulis ang nagsilbing poseur buyer sa nasabing lugar.

Nang magkakaabutan na ng droga ay nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon, kaya’t nagtangka itong bumunot ng baril, subalit naunahan ito ng mga pulis hanggang sa binaril ito na kanyang ikinasawi.

Na-recover sa ­suspek ang isang paltik na kalibre .38, mga bala, at anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.