Tulak mas piniling mamatay kesa mahuli nang buhay

Mas piniling mamatay ng isang drug pusher kesa sa mahuli itong buhay ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Jose del Monte(SJDM) City.

Maliban sa nasawing tulak ay pitong iba pa ang nadakip sa SJDM City at bayan ng Norzagaray sa isinagawang anti-illegal drug operation sa lalawigang ito sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) kamakalawa.

Kinilala ni P/Col. Lawrence B. Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang napatay na si Tommy Catalla y Gala, na nagtamo ng bala sa katawan.

Nabatid na dakong alas 6:25 ng hapon nitong Lunes nang magkasa ang SDEU ng SJDM City police ng buy-bust operation sa Barangay Assumption at kanilang target ang pusher na si Catalla na backrider sa isang motorsiklo. Natunugan umano nito na dadamputin siya ng katransaksyong undercover agent kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad kaya napatay ito sa maikling engkuwentro habang tumakas ang kanyang kasamang rider.

Nakarekober ang Bulacan SOCO Team ng 20 maliliit na pakete ng shabu,isang caliber 38 revolver na kargado pa ng bala at buy-bust money.

Samantala, nakilala naman ang mga naarestong drug suspect na sina Eddie Catalla y Balais; Leo Garcia y Agbayani; Ivan John Gala y Bautista; Jerome Gala y Nacilan; John Jury Gala y Nacilam; Marie Censon y Seldan at Perry Suarez y Dionisio na nadakip sa SJDM City at bayan ng Norzagary.

Nakuha sa pitong nahuling tulak ang kabuuang 29 pakete ng shabu at buy-bust money at dinala ang mga suspek at ang narekober na ebidensya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office sa Malolos upang masuri habang inihahanda ang kasong kriminal sa mga suspek. (Jun Borlongan)