Isa pang notorious shabu pusher na kabilang sa listahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bulacan ang napatay habang dalawa pang wanted din sa illegal drug activities ang nadakip makaraang maghain ng magkakasunod na search warrant ang awtoridad sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Wilson Magpali, San Jose del Monte City police chief, ang napatay na si Crisanto Merquillo, 40, ng Barangay Sta. Cruz, ng nasabing lungsod na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan.
Nadakip naman sina Rolando Provido y Gastallian, 47 at Anthony Merquillo, 26, mga residente ng nasabing lugar.
Narekober sa pag-iingat ng napaslang na pusher ang kalibre .38 rebolber, improvised handgun o sumpak at ilang pakete ng marijuana.
Bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang pasukin ng CIDG-Bulacan, PDEA operatives, Highway Patrol Group (HPG)-Bulacan at San Jose del Monte City PNP ang bahay ng suspek na si Crisanto sa Area D, Barangay Sta. Cruz, ng nasabing lungsod nang manlaban ito at magpaputok ng baril kaya napuruhan sa engkuwentro.
Maayos namang sumurender ang dalawa pang suspek.