Isang notorious drug pusher ang muntikan nang mamatay matapos mahulog sa hagdan na nauna ang ulo sa kakatakbo upang matakasan ang mga aarestong mga alagad ng batas sa kanya sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Loberto Masangya, 49, ng Pamasawata Street, Barangay 28 ng nasabing lungsod, na nagtamo ng pinsala sa ulo sa pagkahulog sa hagdan, nang tangkaing takasan ang pulisya sa isinagawang buy-bust operation.
Agad din namang isinugod ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (SAID-SOTG) sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang suspek at mabilis ring nalapatan ng lunas.
Ayon kay SAID-SOTG head Insp. Cecilio Tomas, Jr., narecover umano kay Masangya ang nasa P1,000 na marked money, dalawang maliit na heat-sealed plastic sachet ng shabu, dark green pouch na naglalaman din ng medium size naman na transparent plastic sachet na tinatayang nasa 52 gramo ng shabu ang laman na may street value na P120,000.
Tumanggi naman si Masangya na sabihin kung sino ang kanyang supplier ng iligal na droga nang iprisinta siya sa harap ni Caloocan City Police Chief S/Supt. Johnson Almazan kahit nasa harap na rin niya ang mismong alkalde ng lungsod na si Oscar Malapitan.