Tulak patay, 5 pa huli sa Bulacan drug ops

Nasawi ang isang tulak ng iligal na droga habang limang iba pa ang nadakip sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing suspek na si Vergel Hernandez, na nasawi sa nasabing lugar nang manlaban diumano sa mga awtoridad.

Alas-7:30 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation awtoridad sa Sitio Upper, Brgy. Bigte kung saan target si Hernandez ngunit matapos ang transaksyon ay nakahalata ang suspek na pulis ang binentahan ng droga kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad habang nagtangkang tumakas kaya napatay ito sa palitan ng putok.

Narekober sa lugar ng insidente ang isang caliber 38 revolver na kargado pa ng isang bala, tatlong pakete ng shabu, bag na may lamang mga damit at buy-bust money.

Samantala, kinilala naman ni P/Lt.Col.Victorino Valdez, Plaridel police chief, ang mga naarestong sina Jerry Florez, 35; Abbey Sabater, 35, kapwa nasa Plaridel drug watch list at magtiyahing sina Cristina Ramos, 27; at Virginia Celeste pawang residente ng Brgy. Sto. Niño, Plaridel.

Unang nadakip pulisya alas-dos ng hapon ang suspek na si Florez sa buy-bust operation na nasundan sa pagkahuli sa tatlo pang mga suspek na bukod sa pagtutulok ay nakumpirma umanong bumabatak din ng droga.

Nakorner naman ng Marilao Police ang suspek na si Laurence Adlawan, 30, at kabilang din sa drug watchlist na nakorner sa buy-bust operation sa Brgy. Lambakin alas-3:30 kamakalawa ng hapon.

Umabot sa 36 na pakete ng shabu ang narekober ng pulisya bukod pa sa digital weighing scale at buy-bust money sa nasabing mga anti-drug operation.