Patay ang isang hinihinalang drug pusher matapos itong makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy-bust operation kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Sanhi ng limang tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na si Julius Umali, nasa hustong gulang at naninirahan sa nasabing lungsod.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon nina SPO2 Jayson David at PO2 John Marlo Garcia, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-3:45 kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng JP Rizal Extension, Barangay South Cembo ng naturang lungsod.
Base sa record ng pulisya kilalang ‘tulak’ ng droga ang suspek, dahilan upang magkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad laban dito.
Kung kaya’t isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer upang bumili ng dalawang plastic sachet ng shabu, ngunit nakahalata ang suspek na ang katransaksiyon niya ay isang alagad ng batas dahil ang perang inabot sa kanya ay may pulbos.
Kaagad na naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang pulis, subalit hindi ito tinamaan at gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta ng pagkamatay nito.
Habang ang kasamahan naman ng nasawing suspek ay mabilis na nakatakas na sakay ng isang motorsiklo.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente habang ang labi ng suspek ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.