Tulak sa Cagayan de Oro bulagta sa engkuwentro

Patay sa drug buy-bust operation ang isa sa limang suspek na matagal nang drug pushers sa ­Cagayan de Oro City.

Kinumpirma ni Cogon Police Station chief, Chief Insp. Alfredo Ortiz Jr. na nasa drug watchlist ang napaslang na suspek na si Ronnie Daleon, alyas ‘Ondoy’ na namatay dahil sa limang tama ng punglo sa katawan.

Nangyari ang engkuwentro ng mga operatiba laban kay Ondoy sa loob ng isang motel ng Brgy. Camaman-an ng siyudad kunsaan narekober sa kanya ang isang kalibre .38 ng baril na ginamit nito.

Ayon kay SOCO Medico Legal Office Dr. Christian Caballes, dalawang empty shells galing sa armas ng biktima ang napaputok at limang basyo naman ng bala ang nanggaling sa pulisya.

Matapos ang engkuwentro, arestado ang kasamahan ni Ondoy sa loob ng motel na sina Allan Angos, 44, taga-Barangay Patag; Nicole Daang, 23, residente ng Brgy. Camaman-an; Alvin Telon mula Valencia City, Bukidnon; at isang Alexis Ansano, ang roomboy ng motel na sinasabing lookout ng grupo.

Kasong paglabag sa RA 9165 ang isasampa ­laban sa mga dinakip.