Isang kilalang tulak sa Malolos City na napilitang magbenta ng droga sa ibang bayan ang napaslang makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit(DEU)ng Balagtas PNP makaraang manlaban, nang mapansin na awtoridad ang kanyang ka-transaksyon sa NIA Road, Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Isagani V. Enriquez, Balagtas police chief, nakilala lamang ang napaslang na suspek sa pangalang alyas ‘James Long Hair’, nasa hustong gulang at sinasabing notorious pusher sa Malolos City na namatay sa pook ng insidente bunga ng tatlong tama ng bala sa katawan makaraang manlaban sa Balagtas police.
Bandang alas-11:05 ng gabi nang maganap ang insidente makaraang ipasailalim sa buy-bust-operation ang nasabing tulak ng droga sa NIA Road,Barangay San Juan, Balagtas nang makahalata ang suspek na si alyas ‘James Long Hair’ na pulis ang kanyang katransaksyon sa droga kaya kaagad itong nagbunot ng baril at pinaputukan ang DEU operative.