Puspusan ang pagwawalis ng mga kagawad ng Manila Police District sa mga sangkot sa ilegal na droga sa lungsod.

Kamakalawa ng hapon ay limang pinaghihinalaang ‘tulak’ ng ipinagbabawal na ‘shabu’ ang nalambat sa isinagawang buy-bust operation sa Port Area, Maynila.

Kinilala ng pulisya ang mga nadakip na suspek na sina Ritchie ‘Nonoy’ Estaquio Romanog, 39; Lester Ducta Rimas, 25, helper; Ramy Guanco Magbanwa, 29, helper; Ronel Mamac Apdujan, 27, parking boy; at Jonathan Lacyan Zamora, 27; pawang residente ng 17th St., Port Area, Maynila.

Nabatid sa Manila Police District-Police Station 5 sina alyas Pando, alyas Manel, at alyas Nonoy ay responsable umano sa laga­nap na bentahan ng ilegal na droga sa 17th St., Brgy. 651 Port Area, Maynila.

Sa pamumuno ni Police Senior Inspector Salvador Iñigo, Jr. ay ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-11:45 ng gabi sa naturang lugar at natimbog ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga nabanggit na suspek ang anim na ‘sachet’ ng hinihinalang shabu, at dalawang tig-P100 na ginamit bilang buy bust money.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 si Romanog, at paglabag naman sa Section 11 sina Rimas, Magbanwa, Apdujan, at Zamora sa ilalim ng Article II of Republic Act 9165.