Tulak todas sa Bulacan

Isang diumano’y tulak ng droga ang napatay sa buy-bust operation sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa nang gabi.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Bulacan provincial police director Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang napatay na suspek na si Edgar Estosane, residente ng Upper Quarry, Brgy. Minuyan Proper, San Jose del Monte City.

Arestado naman ang kanyang kasama na kinilalang si Luther Obnigama y Gavin na residente rin sa nasabing lugar.

Dakong alas-otso nang gabi nang ikasa ang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit laban sa suspek na si Estosane.

Nakatunog umano ito kaya tumakbo sa loob ng kanilang bahay at nagtago sa kuwarto saka nagpaputok ng kanyang sumpak.

Sinubukang pasukuin ng mga pulis ang suspek ngunit tumanggi umano ito at mas piniling manlaban na humantong sa pagkakabaril sa kanya ng mga awtoridad.

Nakorner naman ang kanyang kasamang si Obnigama at nahulihan ng 14 pakete ng shabu, isang sumpak at narekober din ang buy-bust money. (Jun Borlongan)