Tulay ni Villar sa Las Piñas pasaway sa quarantine

Bukod tangi ang Lungsod ng Las Pinas sa hindi sumunod sa ipinaiiral na community quarantine sa buong National Capital Region (NCR) na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsimula kahapon, Marso 15 para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Tuluy-tuloy pa rin ang paglabas-masok ng mga sasakyan mula Las Pinas papuntang Cavite gamit ang tulay na pinagawa ng pamilya nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar at Senador Cynthia Villar na nagdidikit sa BF Resort sa Las Pinas at sa kanilang farm school sa Bacoor, Cavite.

Ang nasabing tulay ay mariing prinotesta ng kanilang mga kapitbahay na lugar noong 2018 at hindi umano dinaan sa maayos na konsultasyon.

Kahapon, sa pagsisimula ng community qurantine, nakita na tuloy pa rin ang pagdaaan papasok at palabas ng mga tao o pedestrian sa Prinza Dam na ilang dipa lang ang layo sa tulay ng mga Villar na binabantayan pa ng mga nakauniporme na pang-military.

Sa pagmamanman ng Abante Tonite, hindi naman hiningan ng anumang identification card o ID ng mga bantay sa Prinza Dam ang mga tumatawid.

Sa tulay, mga private security guard naman ang nagbabantay. Ang mayor ng Las Pinas na si Mel Aguilar ay sister-in-law ng senadora. (Eileen Mencias)