Tuldukan ang ATM fraud

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Sa ating pagtahak sa buhay, may mga umuusbong bilang batayang pagpapahalaga.

Non-negotiable, ikanga. Isa sa mga ito ay ang pagkilala sa halaga ng mga tauhan at mga kawani ng pamahalaan.

Silang araw-araw na nagsasakripisyo upang ang gulong ng pamahalaan, sa ilalim ng kanino mang pamunuan, ay uminog at nagisiguro na hindi nakakaligtaan ang serbisyong inaasahan ng publiko mula sa gobyernong kanilang pinagkakatiwalaan.

Ito ang dahilan kung bakit lubha nating ikinalungkot nang sumambulat ang balita hinggil sa panggagantso ng ilang buhong na dayuhan sa mga empleyado ng gobyerno.

Ang tinutukoy ko ay ang hacking ng Automated Teller Machine cards kung saan idinedeposito ang sweldo ng mayorya sa kanila.

Tatlong dayuhan mula sa bansang Romania ang inaresto ng awtoridad noong ika-17 ng Marso matapos mahuli ng CCTV camera habang nagkakabit ng ‘skimming devices’ sa mga ATM machines ng Landbank of the Philippines sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue at Lapu-lapu sa Visayas.

Ang Landbank ang opisyal na depository bank ng gobyerno. Dito idinideposito ang sweldo, maging benepisyo, ng lahat ng kawani ng gobyerno.

Sa lalawigan ng Cebu, napabalitang mahigit 50 mga empleyado at mga retirado ang nabiktima ng pagnanakaw na ito dala ng hindi awtorisadong withdrawals mula sa kanilang mga ATM accounts.

Kabilang sa mga biktima ang ilang hindi pinangalanang opisyal ng gobyerno, mga pulis at sundalo, mga piskal, at hukom na retirado.

Buhay hari’t mucho-dinero ang mga halang ang kaluluwang dayuhang mandarambong na nakilalang sina Ionut Mitrache, Costel Ion at Razvan Aurelian Stancu.

Palipat-lipat ng mamahaling hotel at ilang mamaha­ling sasakyan ang nahuli sa pag-iingat ng mga ito. Isa nga sa mga sasakyang ito ay iniwang bukas at natagpuang may lamang perang saku-sako. Buti na lang at nandito pa ang mga ito’t agad na naaresto.

Hindi lamang ito ang unang pangyayari sa mga depositors ng Landbank.

Ilang taon na ang nakaraan, maraming ATM accounts ng mga kawawang obrero sa gobyerno ang napaulat na nalimas ang lamang deposito – sa Kamaynilaan at iba pang lungsod sa bansa.

Sa bawat pangyayari, kadalasang sa labas ng bansa ang mga transaksyon, kaya hirap matukoy kung sino ang mga nagdambong.

Naibabalik man ng mga bangko ang mga ninakaw na pera ng depositors, panahon na upang pagtuunan ng pansin ng mga nasa kapangyarihan ang problemang ito.

Hindi lamang dahil mabilis ang pagpalit ng teknolohiya o dahil malaking kalugihan ito sa industriya ng pagbabangko, kundi dahil mismong mga maliliit na mamamayang naglilingkod sa gobyerno ang napapagsamantalahan sa modus na ito.

Ano man ang nakikinitang solusyon, National ID System man o investment ng gobyerno sa teknolohiya at research and development, ikanga’y “you should take care of your own.” Pagmalasakitan naman sana ng gobyerno ang sarili nitong mga tao. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

***

(Twitter: follow@dspyrey)