Dra. Margarita Holmes
Dear Dra. Holmes:
Tanong ko lang po sana ‘yung tungkol sa asawa ko. Nabigla po ako sa sinabi niya sa’kin na may tulo daw po siya, eh paano po mangyayare ‘yun eh wala naman po akong ganu’ng sakit?
Ang sabi niya po sa’kin, doc, dati na daw po siya nagka-tulo pero hindi niya daw po ginamot, umabot daw po ng 1 year at kusa na lang daw po itong nawala, doc.
Tanong ko po, totoo po bang maaaring bumalik lang po talaga ang tulo niya o nakipagtalik po siya sa iba at doon niya po nakuha?? Please, sana po matulungan niyo ko malaman kung totoong bumabalik ito.
Salamat.
Raul
Dear Raul:
Maraming salamat sa sulat mo. Marami tayong kailangang i-klaro bago natin masagot ang tanong mo nang maayos, ok?
Una, wala pa akong narinig na kaso ng tulo na kusang nawala na hindi ginamot. Wala. Maaaring tila nawala, dahil ang mga sintomas ay nawala, pero hindi ibig sabihin na nagamot ang tulo. Sa ganitong sitwasyon, ang nangyari lang ay ang tulo ng asawa mo ay naging “asymptomatic” (walang sintomas na nakikita, naaamoy o nararamdaman na masakit o makati). In other words, ang taong may tulo na asymptomatic ay taong hindi halatang may tulo. Kahit sila mismo ay maaaring hindi alam na mayroon sila nito.
Dito nakikita natin na mayroong mga bagay tungkol sa tulo na hindi alam ng asawa mo. Maaaring hindi niya sinadyang magsinungaling sa iyo.
‘Yung akala niya ay totoo (na gumaling ang tulo niya, at bumalik lang ito, kahit na hindi siya nahawa muli) ay ang kinuwento niya sa iyo. Kaya lang, ang kuwento niya ay mali. Maaaring naniwala siya na tama ito, kaya ‘yan ang sinabi niya sa iyo. (TO BE CONTINUED)
***
Si Dra. Holmes ay nagsusulat sa Tonite tuwing Sabado at Linggo. Sulatan siya sa Facebook: http://www.facebook.com/drmargieholmes at panoorin siya sa “Walang Echos” sa Abante Tonite Facebook tuwing Huwebes, 7 pm.