Tulog ang batas sa gabi

Dear Editor,
Sumulat po ako upang matutukan ang kawalan o pagtulog ng ating batas kapag sumasapit na ang gabi. Kapansin-pansin ito sa mga lugar dito sa Kamaynilaan.

Kasabay ng pagkawala ng mga ‘bantay’ ay nawawala rin ang mga batas o alituntunin sa ating mga kalsada. Katulad na lamang ng pagtawid sa tamang tawiran o ang pagsunod sa traffic lights.

Nakadidismaya ang kawalan ng disiplinang ito ng ating mga kababayan.

Nagagawa lang na sumunod kapag mayroong ‘bantay’ ngunit kapag wala na ang mga ito susundin na ang sarili at tila walang batas o alituntuning dapat sundin. Lumalabas na itinuturing nilang tulog sa gabi ang ating mga batas.

Makarating po sana ito sa kinauukulan at mabigyang-aksyon.

Naniniwala po akong dapat galingin ang batas o anumang alituntunin sa kahit na oras dahil nalikha ang mga ito para sa kaayusan at kaligtasan ng lahat.

Maraming salamat po.
Zorro ng UP Diliman