Disgrasya ang inabot ng isang nakatulog na pasahero matapos na maputol ang kanang braso nito na nakalaylay sa sinakyang bus na ginitgit ng isa pang pampasaherong bus sa EDSA-Kamuning, Quezon City kahapon nang umaga.
Nakilala ang biktima na si Daniel Malapit Morcoso, 29-anyos at nakatira sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-9:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa southbound lane ng EDSA sa tapat ng Quezon City Police District-Station 10.
Nakaupo sa bandang likuran ng Mayamy bus na may plakang UWJ 668 ang biktima nang mahagip ang nakalaylay niyang braso ng kasabay na Kellen bus na may plakang UVX 682 na nakagitgitan ng sinakyan niyang bus.
Nagising na umaaringking sa sakit ang biktima.
Mabilis namang isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center kung saan kasalukuyang nilalapatan ito ng lunas.
Naka-impound na ang dalawang bus habang iniimbestigahan pa ng Quezon City Police District Traffic Sector 4 ang insidente.