Agad-agad umaksyon ang Philippine Sports Commission sa mga pangangailangan ni 2016 Rio de Janeiro table tennis Olympian Ian ‘Yanyan’ Lariba, nagsipagdonasyon din ang mga opisyal ng National Sports Associations sa Philippine Olympic Committee General Assembly kahapon sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong.
Nag-pass the hat ang mga dumalo sa POC GA, nakatipon agad ng P30,000 pantulong sa pangangailangan ng pinakaunang pambansang atletang babae na nag-qualify sa sport ng ping-pong sa quadrennial meet.
Lunes ng gabi nang ihayag ng pamilya Lariba na may sakit na Acute Myeloid Leukemia ang 22-anyos at Cagayan de Oro native.
Naunang tumulong ang PSC sa pagsagot sa Saint Luke’s Medical Center-Quezon City bill ng tatlong beses na UAAP MVP na umabot na sa P375,000.
“Nakakalungkot isipin especially for such a young 22-year old and very promising athlete,” laglag-balikat na reaksyon ni PSC Chief of Staff Ronnel Abrenica. “But the PSC is bent to help her at all cost. Nagbigay na ang PSC ng paunang tulong para sa inisyal na bill nila sa St. Lukes.”
Makikipagtulungan din ang ahensiya sa pinagtapusang pamantasan ni Lariba na De La Salle University.
“We had talked to Mr. Nonong Calanog of De La Salle to work hand-in-hand for the care of Ian where we can be at 50/50 share sa expenses,” panapos ni Abrenica.