Tulong kay Rocell bumuhos na

rocell-bondoc-victim

Kung kamakalawa ay humihingi ng tulong ang pamilya ng 18-anyos na estudyanteng tinamaan ng ligaw na bala ng suspek na si Vhon Tanto, todo-pasasalamat naman ang mga kaanak nito kahapon dahil sa pagbuhos ng tulong para sa kanyang mga bayarin sa ospital.

Dumagsa umano ang mga anonymous donor na nagbibigay ng pera upang ipantustos sa pagpapagamot ni Rocell Bondoc, 2nd year physical therapy student ng Universidad De Manila (UDM).

Tinamaan ng stray bullet si Rocell habang nagtatapon ng basura ‘di kalayuan sa kanilang bahay sa P. Casal St., Quiapo, Maynila kung saan pinagbabaril ng Philippine Army reservist na si Tanto ang biker na si Mark Vincent Geralde.

“Lahat po ng pe­rang ibinibigay dumidiretso po sa account niya dito sa hospital.

Nagpapasalamat po kami sa lahat-lahat ng tumulong, inaayos na rin po namin ‘yung requirement na hinihingi ng PCSO,” ayon kay Rowena Dungca, tiyahin ni Rocell.

HIHINTO MUNA SA PAG-AARAL

Pansamantala din umanong titigil sa kanyang pag-aaral si Rocell dahil hindi pa kakayanin ng katawan nito na magbalik-eskwela ‘pag nakalabas na ng Mary Chiles Hospital.

“Papakiusapan na lang namin ‘yung UDM na magpapahinga muna siya ngayong semester dahil nga sa nangyari sa kanya,” ani Dungca.

Tiniyak naman kahapon ni Dr. Domingo Reyes, surgeon na umo­pera kay Rocell na ligtas na ito at stable na ang vital functions nito.

“Mabuti na ang kalagayan niya kaya lang nasa ICU pa, anytime tomorrow ililipat na siya sa room kapag natanggal na ‘yung mga tubo na ikinabit sa kanya”, ayon kay Reyes.

Nakuha na ang bala na pumasok sa tiyan ni Rocell. Na-control na rin umano ang pagdurugo ni Rocell at sinalinan ito ng 10 bag ng dugo matapos na bahag­yang tamaan ng bala ang kaliwang kidney at iyong nerves na dinadaanan ng dugo papuntang ovary.

“Masuwerte hindi tinamaan ‘yung kanyang spinal cords, so close, si­guro in two months fully recovered na siya.

Noong dumating siya dito nasa ICU na bumagsak pa ang kanyang blood pressure, inoperahan ko siya mga 10pm natapos ako umaga na mga alas-tres,” ayon kay Reyes.

Kapag naalis na aniya ang tubo na nakakabit kay Rocell ay maaari na itong makapagsalita dahil naigagalaw na rin nito ang kanyang katawan.

Sinabi pa ni Dr. Reyes na walang magiging epek­to sa katawan ni Rocell ang ginawang operas­yon sa kanya sa sanda­ling makarekober na ito ng husto.

ULILA SA AMA’T INA

Ulila na si Rocell na may palayaw na ‘Leila’, hango sa pangalan ng kanyang ina na namatay limang araw matapos siyang isilang noong Hulyo 18, 1998 dahil nabinat sa panganganak.

“Kami na ang nagpalaki sa kanya pati sa kanyang ate na si Rowela kasi pagkamatay nung nanay niya nag-asawa na ang tatay niya tapos namatay na rin kaya wala na siyang mga magulang,” ayon kay Aling Eugenia, ang lola ni Rocell.

Sa pagkukuwento ng lola, mabait na bata at friendly si Rocell kaya sa loob ng apat na pagkakaratay nito sa ospital ay maraming bumibisita sa kanya na mga kaibi­gan, kaklase at kapitbahay.

Samantala, hihinta­yin umano muna ng mga kaanak ni Rocell na mahuli si Tanto bago ang gagawing susunod na hakbang.

“Sa ngayon si Rocell muna ang concern namin, pag-uusapan pa namin magkakapatid ‘yung susunod na gagawin”, dagdag ni Dungca.