Dear Sir:
Isang magandang balita ang pag aalok ng tulong ng bansang Australia sa Pilipinas para hasain ang AFP sa paglaban sa ISIS. Sabi nga ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi lang Pilipinas ang may problema sa banta ng terorismo kundi maging ang maraming bansa. Tunay ngang mabigat na problema ng lahat ang terorismo. Nilinaw rin ni Abella na limitado ang mga teknikal na pagaaral, pagsasanay, pagkalap at pamamahagi ng mga impormasyon, bagay na nararapat lang.
Ayon naman kay Australian Foreign Minister Julie Bishop, handang sumuporta ang Australia sa ating bansa tulad ng pagsuporta nito sa Iraq sa pagpapayo, pag gabay at pagsasanay ng mga sundalo.
Sa panahon ngayon wala ng masama kung tumanggap man tayo ng tulong mula sa ibang bansa dahil totoo naman kailangan rin natin.
Sa panahon na tayo naman ang may kakayahang magbigay ng tulong sa ibang bansang nangangailangan nito ay bukas palad rin tayong tutulong. Partikular na ang tungkol sa terorismo.
Jamaica Rey
Compostela Valley
***
Dear Editor:
Isang postibong balita ang nabasa ko noong isang araw. Kinasuhan na nang Philippine National Police (PNP) ang dalawang pulis na bumaril at pumatay kay PFC Rodilo Bartolome na kung ating maaalala ay binaril at pinatay ng dalawang pulis na ito dahil sa maling akala sa Zamboanga del Sur.
Sana ay magtuloy-tuloy na ito at matanggal sa pagkapulis at makulong ang dalawang ito dahil isa silang kahihiyan para sa PNP. Hindi sila nararapat na magsuot ng uniporme at ranggo na hindi naman nila kayang pangatawanan at bigyan ng respeto Isa silang kasiraan para sa mabubuti at matitinong mga pulis. Ang mga pulis ang tagapatupad ng batas at ang tagapatanggol naming mga Pilipino kaya ganoon ang lungkot at galit ko na lang noong mabalitaan ko ito.
At ang napatay nila ay isang bayani rin ng bayan. Isang inosenteng sundalo na nakipaglaban sa Marawi para sa kapakanan ng marami. Hindi man na maibabalik ang buhay na nawala pero hinding-hindi mababalewala ang ginawang sakripisyo ni PFC Bartolome at ang pagkakaso sa mga pulis na pumatay sa kanya ay isang daan na para mabigyan siya ng hustisya na nararapat sa bawat mamamayan ano man ang iyong tungkulin.
Masasabing isa itong positibong hakbangin mula sa PNP at pinapatunayan nila na wala silang kukunsintihin sa kanilang hanay. Dapat ay huling pangyayari na ito dahil hindi maganda na nagkakaroon ng ganitong sigalot ang dalawang hanay na parehong tagaprotekta ng ating bansa. Magkakampi ang mga sunadlo at pulis at hindi dapat nagkakaroon ng away o hindi pagkakaunawaan.
Milagros E. Esquijo
Sultan Kudarat
***
Dear Sir:
Bantay sarado umano ng militar ang mga isla sa Spratlys Group of Island. Kasama rito ang Kota Isla, Pag-asa, Ayungin Shoal at marami pang iba.
Nararapat lang na bantayan ng Pilipinas ang mga isla nito, yan ay kahit alam nating gahigante pa ang kapangyarihan ng ibang bansa partikular ang China.
Hindi tayo dapat pumayag na mag trespassing at basta na lang nagtatayo ng mga iligal na istruktura ang mga bansang nakikipag matigasan sa pag angkin ng ating teritoryo.
Tunay nga na malakas ang China kung ihambing sa Pilipinas, hindi talaga natin sila kayang tapatan ngunit hindi rin nangangahulugan na dalawang kamay natin itataas ito sa mga dayuhan. Magkaroon man tayo ng utang sa ibang bansa, maaari pa rin natin itong mabayaran kahit ilang dekada pa ang abutin, ngunit kung teritoryo na ang aagawin ibang usapan na yan.
Owen R. Daez
Nueva Ecija