Dear Sir:
Nakakagaan ng loob ang patuloy na pagbuhos ng tulong mula sa iba’t ibang bansa.
Hindi lang mga kababayan natin ang nagpapaabot ng tulong, maging ang bansang Singapore ay nakiisa rin sa paghahatid ng tulong para sa mga kababayan nating nasa evacuation site na biktima ng kaguluhan sa Marawi.
Sana lang huwag ibulsa ng ibang tiwaling taga-gobyerno ang mga cash donations na mula sa mga indibidwal, grupo, organisasyon at ibang bansa ang dapat ay para sa ating mga kababayan.
Sana’y maipamahagi rin sa mga tunay na nangangailangan at hindi kurakutin ng ibang taga-gobyerno, at dapat ipamahagi ito agad.
Sana’y tulad ni Pangulong Duterte ay sinserong pagmamalasakit ang ipaabot ng mga kawani ng gobyerno sa ating mga kababayan.
JAMAICA REY
Compostela Valley
***
Dear Sir:
Magandang balita ang pagkakaisa ng mga Asyanong bansa sa pagpuksa sa iligal na droga at terorismo. Ang ASEAN mismo ay nangako na pananatilihin ang pagpapalawig ng kapayapaan, seguridad at istabilidad kasama na rin ang mapayapang pagresolba sa usapin ng mga teritoryo ayon sa internasyunal na batas.
Ang Australia at Amerika maging ang Japan naman ay hinikayat ang mga lider ng mga bansa na makipagtulungan na labanan ang terorismo.
Ang pagkakaisa hindi lamang ng ASEAN kung di ng iba pang bansa ay may maitutulong sa pagsugpo sa lumalaganap na terorismo.
Batid naman natin na hindi lang bansa sa Asya ang may sigalot sa terorismo, patunay na dyan ang Mosul. Kaya bilang mamamayan dapat lang na sa ating komunidad pa lang ay mayroon ng tulungan.
JERSAN ARGUILLES
Mindoro