Tulong para sa mga biktima ng bagyong Ompong, nasaan na?

Halos mag-aanim na buwan na ay hindi pa rin ganap na natatanggap ng mga biktima ng bagyong Ompong ang tulong na ipinangako ng gobyerno.

Ito ang reklamo ng marami sa mga mamamayan sa Norte dahil hanggang nga­yon ay hindi pa dumarating sa kanila ang ipinangakong ayuda, lalo na sa mga grabeng nawasak ang mga bahay at ari-arian.

Ilang kababayan natin mula sa Northern Luzon ang nakiusap kung maaari ay maipa­rating sa gobyerno ang kanilang mahigit limang buwan ng paghihintay.

Partikular na hinihintay ay ang ipinangakong tulong ng gobyerno para mabuo muli ang mga nawasak na bahay, lumipad na mga bubu­ngan o kaya naman ay bumagsak na mga pader na kailangan ang konting pang-gastos para maibalik ito.

Nakalagpas na ang karamihan sa mga biktima sa pang-araw araw na panga­ngailangan, partikular ang rasyong pagkain dahil nakapagtanim na ang mga masisipag na mamamayan ng gulay dahil mahirap umanong umasa sa tulong ng gobyerno.
Tanging hinihintay ay ang tulong para maipambili ng yero, pako at iba pang kakailanganin para mabuo muli ang nawasak na mga bahay.

Baka gustong sumagot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung naibigay na ba o hindi pa ang tulong-pinansiyal para sa mga biktima ng bagyong Ompong.

May ilang pagkakataon kasi sa mga nakalipas na admi­nistrasyon na napupulitika ang tulong na nagmumula mismo sa national go­vernment dahil kapag nai-turn over na ito sa mga local executive ay doon nagtatagal ang aksiyon.

Sa halip na maka­tulong agad ay bini­bitin-bitin umano ng mga lokal na politiko ang pondo at ang nauunang pinapaboran at binibigyan ay ang mga biktima ng bagyo na kaalyado ng mga ito.

Iba na ang panahon ngayon, iba na ang administrasyon kaya’t dapat kung ito ay para sa tao, dapat ibigay kaagad at huwag pahinugin sa kanilang lukbutan dahil ito ay ibinigay ng gobyerno para maalalayan kaagad ang mga biktima ng kalamidad.