May ambisyon na maging teacher pero walang pang-matrikula? Hindi na ito magiging problema matapos maisabatas ang pagpapalawak ng Special Program for the Employment of Students (SPES), ayon kay Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara.

Sa nasabing batas na isa sa nag-lapse into law at ngayon ay Republic Act 10917, palalaganapin nito ang short-term job opportunities upang matulungan ang mga estudyante na makamit ang kanilang panga­rap sa buhay.

Hindi lang ang mahihirap ngunit deserving students ang matutulungan ng SPES kundi pati mga out-of-school youth, dependents ng displaced workers, at mga anak ng mga empleyadong matatanggal pa lang sa trabaho bunga ng pagsasara ng negosyo o sanhi ng kalamidad.

“Dapat ay mabigyan natin ng oportunidad pati ang mga out-of-school youth na makapagpatuloy ng pag-aaral.

Sa halip na mapilitan silang tumigil dahil gipit sa pera, pwede na silang mag-apply ng trabaho at kumita ng kaunti para sa kanilang pag-aaral kahit hindi pa sila gradweyt,” ani Angara, dating acting chairman ng Senate labor committee at may-akda ng batas.