Nitong mga nakaraang linggo lang ay dinalaw ko ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa Hong Kong at napakarami kong nalaman tungkol sa kanilang mga kalagayan doon. Si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla ang naimbitahan para sa Kapihan at Kuwentuhan ng mga Pilipino sa Hong Kong na pinangunahan ng General Emilio Aguinaldo Movement, isa sa mga Filipino organization na nakabase sa Hong Kong at ako ang dumalo para sa kanya doon.
Nalaman natin na bukod sa mahirap na trabaho ang kanilang napasukan, iba’t ibang paglabag sa kanilang mga kontrata ang kanilang nararanasan. Nandiyan ang hindi pagbibigay ng food allowance, hindi pagsunod sa oras ng holiday o leave, pagmamaltrato at iba pa.
Sa kabila ng malaking income na kanilang naipapasok sa bansa sa pamamagitan ng kanilang mga remittances marapat lamang na dinggin ang kanilang mga hinaing. Bilang mga buhay na bayani sa kasalukuyan, kailangan natin silang bigyan ng pagpapahalaga. Kaya naman, nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga legislative agenda ni Bong Revilla para sa mga OFW sakaling siya ay makabalik sa Senado.
Nais ni Senator Bong Revilla na magkaroon ng OFW pension ang bawat manggagawang Pilipino sa ibang bansa kapag sila ay retirado na. Karamihan kasi sa mga OFW problema ang kanilang magiging buhay matapos silang magtrabaho. Hindi sila nakakaipon dahil sapat lang ang kanilang kinikita sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Kaya ngayon pa lamang, magandang mapaghandaan na ang kanilang pagreretiro.
Sa ngayon ay may panukalang proyekto na ang pambansang pamahalaan hinggil sa SSS pero hindi lahat ng mga OFW resolbado dito. Ang iba kasi ay ayaw sa compulsory SSS contribution dahil makakaltas pa ito sa buwanan nilang sahod. Ang kahilingan ng iba ay magkaroon ng porsiyento mula sa mga remittance na kanilang naiaambag sa income ng bansa para sa kanilang mga benepisyo. Kailangang aralin nating mabuti ito para maiayos ang kanilang kahilingan.
Malaki na ang suportang ibinibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ating mga OFW. Ang kanyang pagkilala sa kanila ay walang kapantay at ramdam ito ng mga kababayan natin sa abroad. Suportado namin ang mga programa ng Pangulo para sa mga OFW tulad ng planong magkaroon ng hiwalay na departamento ng pamahalaan para sa mga OFW. Layunin nitong mas mapalakas ang ating OWWA, embassies sa ibang bansa at iba pang mga ahensya na may kaugnayan sa ating mga OFW.
Talagang napakahirap ng kalagayan ng ating mga OFW lalo na malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay at walang ibang tutulong sa kanila saan man sila nandoon. Kaya gusto ni Senator Bong Revilla na maramdaman nila na hindi sila nag-iisa at katuwang siya ng ating mga kababayan saan mang panig ng mundo. Tuloy ang laban ni Bong Revilla para sa mga OFWs!
Lahat ng ito ay ating mapagtatagumpayan dahil PINOY, IKAW ANG IDOL KO!