“Demoralized talaga pero dapat ay hindi sila magpaapekto.”
Ito ang pag-amin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na tumutukoy sa mga tauhan ng Caloocan Police kasunod ng insidente nang pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos dahil sa kaliwa’t kanang kritisismo at tinatanggap na batikos.
Sa pagbisita ni Dela Rosa noong Biyernes sa Northern Police District (NPD), kinausap nito ang mga pulis at pinayuhan na huwag magpapaapekto sa mga kritisismo.
“Sabi ko sa mga pulis-Caloocan na huwag pa-demoralized sa mga critics, at ituloy ang trabaho,” pahayag ni Dela Rosa.
Kinausap din nito ang mga pulis na nakadestino sa may Dagat-dagatan, Navotas na huwag manlambot, lalung-lalo na huwag ma-depress kasunod ng insidente.
Iginiit ng chief PNP na normal lamang sa kanilang trabaho bilang law enforcers na batikusin at palaging mali ang ginagawa.
“Importante tuloy ang trabaho, nakapokus sa misyon lalo na sa pagsugpo sa ilegal na droga,” dagdag ni Dela Rosa.
Sinabi ni Dela Rosa na wala itong inilabas na direktiba na mag-lay low muna sa kanilang giyera kontra droga.
“Ang akin eh huwag silang makinig sa mga bumabatikos, focus lang sa trabaho, kailangan may misyon na gagawin, kailangang ma-accomplish ‘yung mission,” wika pa ni Dela Rosa.