Laro ngayon (Nouhad Nawfal Stadium)
11:30 p.m. — PHL vs. Korea (quarters)

Korea ang makakatapat ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2017 quarterfinals mamayang gabi sa Nouhad Nawfal Stadium sa Beirut, Lebanon.

Naipagpag ng Koreans ang Japan, 81-68, sa playoff 2 para mapadpad sa No. 3 sa Pool C sa likod ng bagong salta sa Asian zone na New Zealand at host Lebanon.

Agawan sa trangko sa unang tatlong quarters ang Japan at Korea, pero sa fourth ay nagliyab sa labas ng arc ang Koreans at binuksan ang payoff period sa ikinasang 17-1 run. May 4:30 na lang sa laro ay malayo na ang Korea, 74-57, at hindi na nakarekober ang Japan.

Pinangunahan ng 16 points, four rebounds at five assists ni Sekeun Oh ang Korea, may 16 points at nine assists si Sunhyung Kim.

May three-game losing streak ang Filipinos sa Koreans pagkatapos noong 2013 nang talunin ng ­Gilas ang Korea, 86-79, sa FIBA Asia Championship sa MOA Arena.

Natisod ang Filipinos sa karibal sa 2014 Incheon Asian Games (97-95), 2015 Jones Cup sa Taiwan (82-70) at 2017 Jones nito lang July (83-72).

Injured sina PHL bigs Christian Standhardinger (neck, shoulder) at June Mar Fajardo (right calf), at hindi pa sigurado kung makakalaro kontra Korea.

Matapos itumba ng Filipinos ang Qatar, 80-74, para kumpletuhin ang three-game sweep sa group preliminaries, pinuna ni coach Chot Reyes ang 17 turnovers ng team at ang 40% field goal shooting na inaasahang reremedyuhan para sa hinahabol na payback sa Koreans.