Ilang araw na lamang matapos ang pagdalo ng PDU30 sa 33rd ASEAN Summit Singapore at APEC Summit sa Papua New Guinea, magi­ging abala naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping bago matapos ang buwan ng Nobyembre, kung walang magiging pagbabago.

Ayon kay Chinese Ambassador Zhao Jian­hua, ang pagbisita ni Xi Jinping ay kauna-unahang ‘state visit’ ng mataas na lider ng China simula noong 2005.

Naniniwala si Jianhua, na ang pagbisita ni Xi Jinping ay lalo lamang magpapala­kas sa maganda nang relas­yon ng Pilipinas at China.

Ayon sa embahador, ang relasyon ng dalawang bansa ay nasa mataas nang yugto at sa pamamagitan ng tiwala at pagtutulungan ang tinatawag na ng ‘Golden Age of China-Philippines Relations’ ay magiging katotohanan.

***

Sa pagbisitang ito ni Xi Jinping marami ang mga nakamasid kapwa sa loob at labas ng bansa.
Magkakaiba ang ‘take’ kritikal at ‘neutral’.

Nakatuon ang mata ng mundo sa South China Sea.

Kung magtatagum­pay ang formula ng Manila at Beijing sa ‘joint oil exploration’ sa pinagtatalunang teritoryo maari itong gayahin ng iba pang ‘stakeholder’.

Mas maganda sa rehiyon na mangibabaw ang katahimikan at pagtutulungan.

Ang mga papaunlad na bansa tulad ng Pilipinas ay makaka-focus sa panloob na suliranin at matutukan ang mga proyektong kailangan ng mga tao.

***

Ang sentro ng kala­kalan ngayon ay nasa Asya at Pasipiko. Palipas na kundi man ay kumahog ngayon ang mga bansa sa North America, Europa at A­frica na makasabay sa sa bagong ‘trade route’ o ruta ng kalakalan na tinatawag na ‘Belt and Road Initiative’ at ‘Maritime Silk Road’.

Inisyatibo ito ng China na pilit hinaharangan ng mga ‘traditional powers’ na nais panatilihin ‘status quo’ o ang lumang ‘world economic order’.

***

Ang pagbisitang muli ni Xi Jingping ay pagpapatunay ng kahala­gahan ng Pilipinas sa rehiyon ng Asya at Pasipiko.
Dapat samantalahin ng Pilipinas ang pagkakataon na makasabay sa pagbabagong ito.

Tanggapin man at hindi ‘dominant player’ ang China sa ngayon.

Aminin man at hindi may mga puwersa o grupo na tutol o sagka sa pagkiling ng Pilipinas palayo sa matagal nang mga kaalyado.

Ang paglakas ng pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at China ay maganda hindi lamang sa usapin ng kalakalan ng dalawang bansa, kundi ganon na rin sa balanse ng seguridad sa rehiyon.