Kahapon, araw ng Miyerkoles, inumpisahan ang 9 na araw na Novena para sa paglaya ni Sen. Bong Revilla. Sa darating na ika-9 ng Disyembre, sampung araw na lamang mula ngayon ay lalabas na ang desisyon kaugnay ng kanyang mga kaso.
Sa kabila ng mahigit apat na taon ng pagkakapiit sa bilangguan, sa wakas ay nalalapit na ang inaasahang paglaya ng aking ama. Alam naman natin na sa mga huling hearing ng kanyang kaso ay umamin na ang mga whistleblower na sila ay napag-utusan lamang na idiin si Sen. Bong Revilla.
Simula ng mag-file ng COC ang aking ama bilang kandidato sa pagka-senador sa darating na halalan 2019, hindi na natigil ang imbitasyon sa aking ama na dumalo sa iba’t ibang pagdiriwang ng mga bayan, siyudad at lalawigan ng buong bansa mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Ako kasama ng aking Ina at mga kapatid ang siyang nagpupunta sa mga imbitasyon sa aking Ama. At sa aming pag-ikot, naipapaliwanag namin na si Sen. Bong Revilla ay biktima ng poltical persecution at selective justice. At naniniwala kami na ang selective justice ay injustice!
Sa lahat ng aming dinaluhan, hinarap namin ng may katotohanan sa aming mga mata na tuwirang sinasabi sa mamamayan na walang ginawang kasalanan at walang ninakaw sa kaban ng bayan si Sen. Bong Revilla.
Kaya naman, sana sa huling pagkakataon, kami ay nagsusumamo sa lahat ng mga Pilipino na samahan kami sa tuloy-tuloy na pagdarasal para mailabas ang katotohanan. Samahan niyo kaming ipanawagan na maging tapat at wasto ang desisyon.
Ikulong man nila si Sen. Bong Revilla ngunit hindi nila maikukulong ang pagmamahal nito sa bayan. Kaya naman, para sa bayan, tuloy ang laban!