Sa kabila ng napakaraming problemang bumabagabag sa atin ngayong may COVID crisis, may ilan din namang nakakatuwa.

Katulad na lamang ng ginawang pagsasampa ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pulis na bumaril at nakapatay kay ex-Army Winston Ragos sa Quezon City noong buwan ng Abril ngayong taon.

Si Ragos ay napatay sa isang quarantine checkpoint matapos akusahan ng panlalaban sa mga nanitang kagawad ng Philippine National Police (PNP).
Pero lumabas na nga ang findings ng NBI walang panlalaban na nangyari.
Ang matindi pa ay nadiskubreng itinanim ng mga pulis ang baril na sinasabi ng PNP na nakuha nila kay Ragos.

Hindi lang yan dahil maliban sa itinanim ang baril ay misteryoso pa ang pagmamay-ari ng itinanim na baril dahil patay na pala ang may-ari bago pa ito nairehistro noong 1997.

Taong 1994 ayon sa imbestigasyon ng PNP ng mamatay ang nakalistang owner ng baril.
Sobrang masalimuot ang kasong ito at kitang-kita ang maniobra.
Harinawa ay magtuluy-tuloy ang kaso at mapanagot ang mga walang pusong unipormado na gumagamit sa kanilang kapangyarihan para mandikdik ng ilang inosente.
***
Nasa kamay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedesisyon sa pagbubukas ng klase.

Ito ay matapos na pumasa sa huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 6895, na mag-aamiyenda sa Republic Act 7797 o “An Act To Lengthen the School Calendar From Two Hundred Days to Not More Than Two Hundred Twenty Class Days.”

May sariling bersyon ng panukala ang Senado na pasado na rin sa third reading.

Ibig sabihin may werpa na ang Pangulo na ibahin ang petsa ng pagbubukas ng klase sakaling may state of emergency o state of calamity.

Sa ngayon ay nakasaad sa R.A. 7797, na ang unang araw ng class opening ay sa pagitan ng unang Lunes ng June at huling araw ng Agosto.

Ang balik eskuwela ay itinakda ng Department of Education sa Agosto 24.