Matapos ang anim na araw, nagtagpuan na ng mga awtoridad ang babaeng COVID-19 patient na tumakas sa quarantine facility sa Davao City.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Davao City police chief Colonel Kirby Kraft na nakita ang pasyente sa isang abandonadong truck sa Brgy. Matina Biyernes ng umaga.
Nag-iisa umano ito at sinabing hindi umuwi sa kanyang lugar na pinanggalingan. Binalik umano ang babae sa pasilidad ng Department of Health para magpagaling.
Nagsasagawa na ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente habang wala ito sa COVID facility.
Una nang inanunsyo ni Mayor Sara Duterte ang paghihigpit sa seguridad ng mga quarantine facility para hindi na maulit ang parehong insidente.