Humandusay sa kamatayan ang isang mekaniko matapos itong magtatakbo para tumakas habang pinapuputukan umano ng baril ang mga humahabol na pulis  sa  isinagawang anti-drug operations ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Tatalon sa nasabing lungsod, kahapon ng madaling-araw.

Sa report ni PO3 Virgilio Mendoza, ng Cri­minal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang nasawing suspek na si Renato dela Rosa y Munos, alyas Jay-jay Toyo, 34, binata, freelance mechanic at re­sidente sa Manunggal St, Brgy. Tatalon QC.

Naaresto naman ang dalawang kasama nito  na sina Mark Anthony Na­dela y Asuncion, 24, tricycle driver; at Rommel Altis y Versoza, 34, ng nasabi ring Barangay.

Sa pagsisiyasat lumitaw na  nangyari ang insidente dakong alas-2: 3­5­­ ng madaling-araw sa  Cluster 5, Manunggal St., Brgy. Tatalon, nang maispatan nila ang mga suspek na nasa akto ng illegal drug transaction.

Nang tangkaing lapitan ng mga operatiba ang mga suspek ay biglang nag sipagtakbuhan ang mga ito, kaya nauwi sa habulan hanggang sa unang naaresto sina Altis at Nadela.

Subalit, si Dela Rosa sa halip na sumuko, biglang pinaputukan umano nito ang mga humahabol na pulis kaya ginantihan siya ng putok na naging sanhi ng kanyang pagkasawi.