Apat ang patay habang lima ang sugatan matapos araruhin ng isang Mitsubishi pickup truck ang pitong sasakyan sa kahabaan ng McArthur highway sakop ng Biñang 1st, Bocaue, Bulacan kahapon ng tanghali.

Sa inisyal na ulat ng Bocaue police, dalawang babae at isang lalaki ang namatay sa naturang karambola.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Rizalino Andaya, hepe ng Bocaue Municipal Police Station (MPS), naganap ang aksidente alas-12:30 ng tanghali nang araruhin ng isang itim na Mitsubishi Strada na minamaneho ni Fernando Salvador Roxas, residente ng Panginay, Balagtas, Bulacan ang mga sasakyan.

Una umanong nabangga ng pick-up ang isang motorsiklo na kanyang tinakbuhan.
Pagsapit sa lugar ng insidente ay inukopa ng sasakyan ng suspek ang kabilang linya dahilan upang mabangga ang dalawang traysikel at isang motorsiklong nakaparada.

Hindi pa rin huminto ang suspek at sa pagtakas ay sinalpok din ang isang Toyota Revo, isang motorsiklo at isang L300 van bago tumagilid sa kalsada.
Dead on-the-spot ang tatlo habang nasawi sa pagamutan ang isa, lima naman ang sugatan.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang nagpapagaling ang nasugatang suspek. (Edwin Balasa/PNA)