TUMIKIM ANG FALCONS

AGAWAN BUKO --- Pilit binabaklas ni Jon Macasaet (21) ng UST ang bola mula kay Keith Zaldivar (25) ng Adamson, sa kaliwa ay nakaamba ring makisali si Marvin Lee (9). Tinalo ng Falcons ang Tigers 88-81. (Jhay Jalbuna)

Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum)
2:00 p.m. — UP vs. UE
4:00 p.m. – Ateneo vs. FEU

Dinagit ng Adamson Soaring Falcons ang unang panalo sa 80th UAAP basketball tournament nang ipagpag ang University of Sto. Tomas Growling Tigers 88-81 kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

Sa first game, wala pa si Ben Mbala pero pinana ng De La Salle U ang pangalawang sunod na ‘W’ sa gayunding dami ng laro nang takasan ang NU 115-109 sa likod ng clutch baskets ng magkapatid na Prince at Ricci Rivero.

Tumipa si Robbie Manalang ng 19 points, five assists at two steals para sa Adamson (1-1).

Nagkasa ang Falcons ng 10-0 run para hawakan ang 70-57 lead pero pumalag ang Tigers at naibaba pa sa tatlo ang hinahabol sa third quarter.

Sa season-opener nalugmok ang Falcons sa Ateneo Blue Eagles 85-65.

“I challenged him and it’s good he accepted the responsibility,” patungkol ni coach Franz Pumaren kay Manalang na matamlay ang nilaro kontra Blue Eagles.

Umayuda si Falcons rookie Kurt Lojera ng 16 points.

Isa sa susi ng panalo ang depensa ng Falcons dahil napupuwersa ang Tigers na magkamali.

“I have to give credit to our players. All those turnovers are a testament to the defense our players played,” dagdag ni Pumaren.

Kumana si Jeepy Faundo ng 21 points at 12 rebounds para sa UST, nag-ambag ng 14 si team captain Marvin Lee.