Tumulong imbes na magsaya sa birthday

Kaliwa’t-kanan ang nagbibigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang panig ng bansa at sa mga frontliner na lumalaban sa coronavirus pandemic. Nandiyan ang gobyerno, mga pribadong kompanya, celebrities at mga politiko.

Pero kakaiba ang diskarte nitong anak ni Senador Grace Poe na si Brian Poe Llamanzares. Imbes kasi na magsaya sa kanyang ika-28 kaarawan nitong Abril 16 ay dinaan na lamang niya ito sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Nagsagawa siya ng 3-day relief operation sa pamamagitan ng pamamahagi ng 150 sako ng bigas sa dalawang siyudad sa Metro Manila. Namigay din ito ng medical supplies para sa mga health frontliner na siyang lumalaban sa COVID-19 pandemic.

Tinungo ni Llamanzares ang siyudad ng Maynila para personal na mamahagi ng 100 sako ng bigas. Sinadya rin niya ang San Juan City para mamigay ng 50 sako ng bigas. Tuwang-tuwa ang mga nabigyan lalo pa at hirap na hirap na sila ngayon dahil walang trabaho bunsod ng pinapatupad na ECQ na sa Abril 30 pa magtatapos.

Tinulungan naman si Brian ng kapatid na si Hanna para sa repacking ng mga personal protective equipment (PPE), face mask, gloves, alcohol at face shields para maipamahagi ito sa mga health worker sa bisperas ng kanyang kaarawan. Ngayong Biyernes, Abril 17, aabot sa 100 PPE ang ide-deliver sa Naval Reserve Command at 50 sako ng bigas naman sa AFP Joint Task Force-National Capital Region.

“In our simple way, we would like to extend whatever help we can give to those most in need during these uncertain times,” saad ni Brian. Abala rin ang kanyang inang si Senador Poe sa Panday Bayanihan operations sa pagkakaloob ng relief assistance sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. Ang mga pinamigay ng senadora ay sako-sako ng bigas, mga PPE, alcohol at face masks.

Ang relief effort ni Poe ay nakarating sa malalayong lugar tulad ng Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, La Union, Tuguegarao City, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Occidental Mindoro, Iloilo, Dumaguete City, Bacolod City, Ozamiz, Cagayan de Oro, Lanao del Sur, Zamboanga City, at iba pa. Nakakabilib ang ginawang pagtulong ng mag-ina. (END)