Tunay na nakakaligalig

Aksyon Lady, Kaye Dacer

Nababahala na ang ilan nating mga mam­babatas sa patuloy na panliligalig ng China sa West Philippine Sea.

Partikular na nagdulot ng ligalig sa ilang mambabatas partikular kina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro ay ang instalasyon ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile systems ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang-diin ng dalawang solon na dapat igiit ng adminis­trasyong Duterte ang paghahabol ng karapatan ng mga Pinoy sa Kalayaan group of islands at igiit ang desisyon ng International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) na pumapabor sa Pilipinas.

Ayon sa ACT representatives, mariin nilang kinokondena ang instilasyon ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile systems sa WPS ng China.

Maliban sa nasabing instilasyon ay naglagay din umano ang mga Intsik ng missiles sa Mischief Reef na ayon sa ruling ng Permanent Court of Arbitration ay parte ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Batay pa kay Tinio hindi dapat bale­walain ng gobyernong Duterte ang paglalagay ng kauna-unahang Chinese missile sa Spratly Islands.

Iginiit ng kongresista na dapat ay agarang alisin ng China ang mga missiles sa teritoryo sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Castro na hindi dapat pabayaan ni Pangulong Duterte na magkawindang-windang ang soberen­ya ng Pilipinas para lamang mapondohan ang mga kontratang pang-impraestruktura na iniskor nito sa pagitan ng China.

Hindi aniya dapat pahintulutan na lalo pang lumawak at lumakas ang militarisasyon ng mga Intsik sa teritoryo ng Pilipinas.

Nauunawaan ko ang nararamdamang pa­ngamba ng ilan nating mga mambabatas kaya hindi dapat magpakakampante ang mga opis­yal ng ating gobyerno.

Kung ang ibang bansa nga na hindi direktang apektado ng pambu-bully ng China ay kumikilos, dapat mas higit tayo.