Tunay na regalo ituro ngayong Pasko

Dear Abante Tonite:

Naku ilang araw na lang ay Pasko na naman, talaga nga namang mabilis na lamang ang panahon lalo kapag naramdaman na ang malamig na hangin.

Pero hindi tulad ng mga nakalipas na taon, hindi merry ang Christmas ng marami sa mga kababayan natin na hindi lang malamig na hangin ang dumaan sa kanila, kung hindi talagang bagyo.

Habang dito sa siyudad, kabi-kabila ang mga pa-party, malamang sa mga probinsyang nalubog sa baha o nawasak ang mga tahanan ay pighati ang nararamdaman. ‘Yung tipo bang masaya sila pero talagang hindi dahil nawalan ng masisilungan. ‘Yung ganitong pakiramdam, na nakikita natin sa mga balita ngayon.

Ito ‘yung mga taong dapat nating tulungan.

Mga tao o imahe na hindi lang basta dapat na dinadaanan lang, dapat sila ay tinutulungan.

Sana ito ang ituro natin sa kabataan ngayong Kapaskuhan. Ang pagtulong sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan.

Kung makakapagtabi tayo kahit na pinakamaliit na makakaya natin, sana magawa natin ngayong Pasko para sa mga nasalanta ng bagyo o kalamidad.
Peter Zamora