Nagbigay ng 15-araw na ultimatum ang Philippine National Police (PNP) laban sa kanilang mga regional police directors na kumilos para matuldukan ang illegal gambling sa bansa.

Kaakibat ng babala ay nagbanta si PNP Director General Ro­nald dela Rosa na sisibakin niya sa puwesto ang mga hepe sa mga rehiyon na mabibigong sumunod sa giyera kontra ilegal na sugal.

Ang aksyong ito ng PNP ay bunsod ng ginawang pangangalampag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa kabiguan ng PNP na pahintuin ang ilegal na mga pasugalan sa bansa.

Hamon ng PCSO sa PNP dapat ay sugpuin nito ang jueteng, bookies ng Small Town Lottery (STL), at iba pang uri ng ilegal na sugal sa mga probinsya at Metro Manila kung hindi magtatagumpay ay kanilang tatagpyasan ang ayudang ibinigay sa Pambansang Kapulisan.

Alinsunod sa ulat, nakapagbigay ang PCSO ng P180 milyon sa PNP noong taong 2016 habang umaabot naman sa P154 milyon na ang naibigay ng ahensya sa kapulisan ngayong unan­g quarter ng taong 2017.

Ginamit ng PNP ang pondong ipinagkaloob ng PCSO sa medical at health program ng mga pulis.

Sang-ayon tayo sa pa­nawagan ng PCSO sa PNP. Pero hindi na dapat pang kinakalampag ang PNP sa usaping ito, sapagkat tungkulin ng Pambansang Kapulisan na lipulin o pahintuin ang ilegal na pasugalan at gawing ligtas sa anumang uri ng sugal ang ating bansa.

Pero mabuti na ring nabigyang-pansin ang isyu sa ilegal na pasugalan dahil katulad ng ilegal na droga pagkasira rin ng pamilya at korapsyon ang hatid ng dalawang pangunahing problemang ito sa ating lipunan.