Kalunos-lunos ang sinapit ng isang turistang Malaysian national matapos na pagtripan ng kanyang nakasabay na pasahero sa UV Express na bigla na lamang ­siyang pinagma-martilyo sa ulo, mukha at katawan kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Duguang nagreklamo sa Navotas City Police Community Precinct 2 ganap na alas-10:45 ng gabi ang biktimang si Putra Asmarra Bin Che Nan, 36-anyos, ng Victoria Cottage Resident Perdana, Sitiawan Perak, Malaysia at pansamantalang nanunuluyan sa Manila Yacht Club.

Kahit hirap sa pagsasalita ng Ingles ay naisumbong nito na naganap ang insidente sa kahabaan ng M. Naval Street, Barangay Daanghari, ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano siyang sakay ng isang pampasaherong FX na Toyota Avanza mula sa Malate patungong Navotas para dalawin sana ang isang kaibigan.

Puno ng pasahero ang nasabing sasakyan hanggang sa magbabaan na ang iba pang kasabay niya at siya na lamang at ang lalaking suspek ang natira sa likurang bahagi ng FX.

Pagdating umano sa M. Naval Street ay pumara ang suspek ngunit bago tuluyang bumaba ay bigla na lamang umano nitong inilabas ang isang martilyo o steel hammer saka siya pinaghahampas sa kanyang ulo, mukha, balikat at iba pang bahagi ng kanyang katawan.

Dahil sa labis na pagkabigla ay mabilis na natumba ang biktima sa kinauupuan nito na sinabayan naman ng talon ng suspek pababa ng FX.

Bagama’t duguan na at hilong-hilo na ay mabilis ding bumaba ng sasakyan ang biktima at tinangka pa sanang habulin ang suspek ngunit hindi na rin niya ito naabutan o nakita pa.

Doon na siya dumeretso sa himpilan ng pulisya at ipinagbigay-alam ang insidente. Agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima.

Walang naibigay na deskripsyon ang biktima sa hitsura ng suspek kundi ang suot na bota nito.