Turista nahawa ng virus sa ‘Pinas

Isang matandang babae ang umano’y nahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na makapagbiyahe sa Pilipinas, ayon sa report ng Australian government.

Ang nasabing pasyente na nasa 60-anyos ay kasama sa anim na kumpirmadong bagong kaso ng COVID-19 in New South Wales (NSW), kung saan nasa 22 na ang infected ng virus sa southeastern state ng Australia.

“Her travel details are being obtained and will be disclosed if she posed a risk to any other passengers on her flight,” ayon pa sa NSW government na naka-post sa kanilang website.

“NSW Health is continuing to find and respond to cases as they are diagnosed to slow any spread of COVID-19 in the community,” dagdag pa sa report.

Sa pinakahuling tala ng World Health Organization (WHO) noong Marso 4, nasa 43 ang kaso ng COVID-19 sa buong Australia kung saan 1 ang patay.

Samantala sa Pilipinas, nakapagtala ng 3 posi­tibong kaso ng coronavirus kung saan pawang mga Chinese national na galing sa Wuhan City na siyang episentro ng sakit.

Bilang reaksyon, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kailangan pang siyasating mabuti ang timeline ng ginawang biyahe ng nasabing tu­rista sa ‘Pinas, kung gaano ito katagal at kung saan ito nagpunta sa Pilipinas para matiyak kung dito nga nakuha sa bansa ang nasabing virus.