Patay ang isang 49-anyos na Chinese national matapos nitong tumalon sa ika-17 palapag ng Avida Towers Prime kamakalawa sa Taft Avenue, Pasay City.
Namatay noon din matapos magkalasog-lasog ang katawan ng biktimang si Dong, tubong Quidong City, Jian China, turista at huling nanunuluyan sa Taft Avenue, Pasay City.
Sa imbestigasyon ng Southern Police District, naganap umano ang insidente dakong ala-1:00 nang hapon.
Nalaman na ang biktima ay bisita sa Room 819 ng 17th floor kung saan binibisita niya, kasama ang isang kaibigan na Chinese national.
Bukod sa biktima, may tatlo pang lalaking Intsik ang nasa loob ng unit nang mangyari ang sinasabing pagtalon ng biktima.
Dinala naman ng pulisya ang mga kasama sa kuwarto ng biktima para isailalim sa masusing imbestigasyon at alamin din kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.
Ang bangkay ng biktima ay nakalagak ngayon sa Veronica Funeral Homes.