Arestado ang 39-anyos­ na tricycle driver makaraang gahasain umano nito ang isang turistang Irish national na nagbabakasyon sa El Nido, Palawan kamakalawa.

Sinampahan na kahapon ng kasong rape ang suspek na si Parry Daquer Gaspe, binata at residente ng Brgy. San Fernando ng nasabing bayan.

Naganap ang panggagahasa alas-kuwatro nang madaling-araw sa isang eskinita sa Brgy. Maligaya. Nauna rito, nakipag-inuman umano ang 21-anyos na turista sa dayuhan nitong kaibigang babae at isang Pinoy.

Nang pauwi na ay inihatid na ng suspek ang tatlo sa kani-kanilang hotel, at dahil iba ang tinutuluyan ng biktima naiwan itong kasama ni Gaspe na isinagawa naman ang kahalayan sa isang eskinita.

Matapos nito, hinatid pa ng suspek ang biktima sa kanyang hotel. Agad namang humingi ng tulong ang turista sa kanyang mga kaibigan na nagtungo sa pulisya upang madakip ang suspek. ­