Turistang Pinoy bawal muna sa Japan

Umakyat na sa 111 bansa at teritoryo ang sakop ng ipinatupad na entry ban ng Japan matapos itong palawakin sa 11 nasyon pa para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19, base sa Kyodo News.

Epektibo sa Miyerkoles ang pagbabawal ng Japan na pumasok sa kanilang bansa ang mga bibisitang dayuhan galing sa 11 pang bansa na kanilang dinagdag sa entry ban.

Kasama rin sa hindi papapasukin sa Japan ang mga foreign national na malalamang galing sa mga bansang sakop ng entry ban sa loob ng nakalipas na 14 araw.

Kabilang sa nadagdag sa listahan ang Afghanistan, Argentina, Bangladesh, El Salvador, Ghana, Guinea, Kyrgyztan, Pakistan, South Africa, at Tajikistan at India.

Sa Asia, kabilang sa entry ban ang Pilipinas, Brunei, China, Hong Kong, Indonesia, Macau, Malaysia, Maldives, Republic of Korea, Singapore, Taiwan, Thailand, Vietnam.

Kasama rin ang United States, buong Europe, Australia, Canada, gayundin ang ilang bansa sa Latin America, Caribbean, Middle East at Africa.

Base pa sa ulat, inihayag ni Japan Prime Minister Shinzo Abe sa pulong ng task force nila kontra COVID-19 na magpapatupad ng border control sa Japan gayundin ang pagsuspinde ng visa at 14 araw na quarantine period para sa lahat ng darating kasama na ang mga Japanese national, hanggang sa katapusan ng Hunyo.