Nagiging paboritong nakawan hindi lang ng sarili nilang empleyado kundi maging ng ibang tao ang chain of supermarkets ng Puregold na pag-aari ng negosyanteng si Lucio Co.

Kamakalawa ng gabi ay nahuling nagnakaw ng mga tsokolate ang 23-anyos na binatang si Acer Rodrigo y Buccat, residente ng Mandalu­yong City.

Batay sa report, nagtungo sa himpilan ng Mandaluyong Police ang complainant na si Janette Deris y ­Ramos, staff ng sangay ng Puregold sa Shaw Boulevard, Brgy. Pleasant Hills, matapos mahuli ang ginawang pagsa-shoplift ng suspek.

Napansin umano ng staff ng Puregold ang kahina-hinalang kilos ng suspek nang dumating ito bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi hanggang sa makita na naglalagay ng kinupit na imported chocolates sa loob ng kanyang damit.
Habang palabas na ay hinanapan ng resibo ang suspek pero walang maipakita kaya nang kapkapan ito ay nakita ang ilang imported na tsokolate.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang box ng 50 grams Toblerone at tatlong pack ng Hershey’s Kisses 235 grams na nasa P1,235.10 ang kabuuang halaga.

Nakakulong ngayon ang suspek dahil sa kasong theft-shoplifting.

Idinahilan umano ng suspek na para daw sagutin siya ng kanyang nililigawan kaya nagawang magnakaw ng tsokolate.
Matatandaang may ilang kaso na ng pagnanakaw ang naitala sa Puregold at napag-alamang mahigpit ang Puregold sa mga ganitong insidente ng pang-uumit.

Katunayan, huling pinakulong nito ang isa nilang merchandiser sa kanilang sangay sa Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City matapos na mahuli itong kumakain ng panindang cupcake at sandwich.

Nakalabas lang ang suspek na si Juaquin Edil­berto, 31-anyos, nang makaipon ng P6,000 piyansa ang kanyang mga kamag-anak.