Habang isinusulat ko ang pitak na ito, kasama ang Maynila sa mga lungsod ng bansa na papasok sa isang bagong yugto. Ito ay ang general community quarantine, kung saan maraming pagbabago ang inaasahang magaganap sa mga darating na araw.

Sa mga darating na araw, ating inaasahan ang muling pag-usad ng mga negosyo at pagbabalik-trabaho ng marami nating kababayan, huwag sana tayong magpaka-kampante at isipin na balik-normal na ang buhay.

Hinding-hindi po, dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19. Nananatili pa ring nariyan ang pandemya. Higit sa lahat, wala pa ring natutuklasang gamot para sa nasabing sakit at patuloy pa rin itong kumikitil ng maraming buhay sa araw-araw ng ginawa ng Diyos.

Kaya naman ang mahigpit kong panawagan sa lahat ay ipagpatuloy natin ang pagasagawa ng ibayong pag-iingat.

Itanim natin sa ating mga isipan na ang pag-usad ay bunsod lamang ng pangangailangan na balansehin ng ating pamahalaan ang pangangailangan na muling umikot ang gulong ng ating ekonomiya upang matustusan ang pangangailangan ng ating bansa pagdating sa aspetong pangkalusugan at upang matustusan din ng bawat isa ang kanilang mga personal na pangangailangan at gayundin ng kani-kanilang pamilya.

Sa ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) kung saan lahat ay ginawa upang matunton ang mga may COVID-19, maihiwalay sila nang hindi makapanghawa ng iba at sila ay gamutin, sana ay natuto na tayong lahat kung paano ingatan ang ating mga sarili.

‘’Yan ay sa simpleng dahilan na sa pamamagitan ng pag-iingat nang husto, hindi lamang natin pinananatiling ligtas ang ating mga sarili kundi maging ang ating mga mahal sa buhay, ang ating mga komunidad at sa kabuuan, ang mamamayan sa buong bansa.

Hangga’t maari, manatili lamang tayo sa ating mga bahay, lalupa’t kung wala naman tayong importanteng dahilan para lumabas ng bahay o magpagala-gala kung saan-saan. Higit pa rin tayong nakatitiyak ng kaligtasan kung limitado lamang ang ating ‘exposure’ sa labas at sa ibang tao.

Patuloy din nating gawin ang mga payong pag-iingat ng mga eksperto sa kalusugan gaya ng madalas na paghuhugas ng ating mga kamay o paggamit ng hand sanitizer o alcohol kung walang pagkakataong makapaghugas ng kamay. Iwasan din natin ang paghawak sa ating mga mata, ilong at bibig na siyang nagsisilbing mga daan upang tayo ay makakuha ng kinatatakutang sakit.

Huwag din nating kalimutang gumamit ng face mask at tiyaking sa paggamit nito ay natatakpan nang tama ang ating ilong at bibig. Patuloy din nating sundin ang social distancing o ang pagaagwat-agwat nang hindi bababa sa isang metro dahil ito ang tantiyang distansiya ng pagtalsik ng laway ng isang tao.

Sa Maynila, pinapayuhan ko ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa amin sa City Hall kung sila o sinumang kakilala nila ay nagpapakita ng sintomas ng coronavirus disease nang sa gayon ay agarang matulungan ang mga ito at di na makapanghawa pa ng iba.

Patuloy ang pagsasailalim sa mga residente sa rapid testing. Kapag nagpositibo, ‘wag mag-alala. Magpahinga, mag-quarantine at magpa-swab test. Dito natin mapapasikip ang mundo ng COVID-19. Ang rapid testing ay hindi garantiya na tayo ay positive or negative. Pag positive, ‘wag mangamba agad dahil kailangan pang i-submit ito sa confirmatory test. Ito ‘yung swab test.

Kaya patuloy nating pinalalawak ang quarantine facilities para habang naghihintay ng swab result ang nag-positive sa rapid, sila ay nasa maayos na lugar at mailalayo sa kapahamakan. Pag confirmed nang positive sa PCR (polymerase chain reaction) machine, ilalagak ang paseyente sa health facilities kung saan sila ay gagamutin.

Sabay-sabay tayong manalangin na huwag nang magkaroon ng tinatawag na ‘second wave’ o muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 dahil ibayong hirap ang dadalhin nito para sa ating lahat.

Pero siyempre, ayon nga sa kasabihan, ‘God helps those who help themselves.’ Tutulungan tayo ng Panginoon kung tutulungan din natin ang ating mga sarili.

Nakasalalay sa ikikilos nating lahat ang kahihinatnan ng ating bansa, habang patuloy ang pagtuklas sa gamot ng mga eksperto sa pangkalusugan. Sa sama-samang pagkilos, walang imposible.
***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’